Saturday, August 4, 2012

Walang Katapusang Ka-Machohan (Na Hindi Ko Maintindihan)

Sa ka-una unahang pagkakataon, magsusulat ako dito sa wikang Pilipino. Kung bakit, hindi ko din alam. Gaya ng mga maraming misteryo ng buhay, hindi ko din maipaliwanag kung bakit mas madali para sa akin magbasa at magsulat sa Ingles samantalang araw araw ay nagsasalita ako ng "Tagalog."

Pero tama na tungkol sa wikang ginagamit ko. Malamang lamang kung binabasa mo to nagtataka ka kung bakit yan ang napili kong titulo sa akda na ito. Hmmm. Saan ba tayo magsisimula? Saan pa, eh di sa akin. (Blog ko to eh.)

Bilang lalaking Pilipino may inaasahan na mga katangian sa yo. Depende sa pagkatao mo, malamang iba iba yun, pero malaki ang tiyansa na isa dito ay tumutukoy sa iyo:

Mahilig ka sa tsiks

Matakaw ka




Galit ka sa mga bagay na may bahid ng "kabaklaan"

Mahilig ka sa mga uhm, "indie films"

Naglalaro ka ng macho sports (hindi po kasama ang DOTA dito)

Malakas ka uminom

Ang tanging binabasa mong literatura (na hindi mandatory gaya ng aklat pang eskwela) ay ang mga magasin na pang lalaki pero puro seksing babae ang nasa pabalat.

Nakikinig ka sa machong musika (mahiya ka naman kung "Call Me Maybe ang ringtone mo)

Ikaw ay mahilig sa mga laruan (mapa kotse, computer, cellphone o aktwal na laruan)

Maginoo pero likas na bastos

At marami pang iba.

In short, ganito.

 Ngayon, aaminin ko na ako ay mayroon ng lahat ng mga binanggit ko na katangian sa taas. Dapat lang. Yun ang inaasahan sa atin di ba? Pero minsan napapa-isip ako. Bakit nga ba? Paano ba tayo pinapalaki at sa di maipaliwanag na dahilan ay more or less pare-pareho tayo ng kinalabasan.

Mahabang usapin ito. At nakakapagod ilagay lahat ng  teorya ko dito. Kaya ilalathala ko na lang ang mga reklamo/obserbasyon ko tungkol sa paksa, dahil kung mayroong isang talento ang kabataang Pinoy na may kaya sa buhay, iyon ay ang mag reklamo at maglahad ng opinyon. Kahit walang punto gawin, at malamang walang pakialam ang mga nasa paligid, gagawin ko ito dahil ito ay masayang gawin. Pero ako lang yun. Hindi ko alam kung may mga kapwa akong lalaki din na katulad ko mag isip, pero hindi ko talaga maiintindihan kung bakit:

Kailangan may mamatay para sumali sa "astig" na kapatiran. Gusto mo maging brad? Siguraduhin mong kakayanin mo ang aming "recruitment process." May mga kaibigan akong frat boy, at naitanong ko na madalas sa kanila kung bakit pa kailangan ng ganitong proceso para maging katanggap tanggap ang isang tao sa kanilang samahan. Ang mga kadalasang sagot na nakukuha ko ay dahil ito ang tanging paraan para malaman nila kung karapat-dapat ba ang kandidato para sa kanilang samahan.

Buti pa sa tate, pinagmumukha ka lang nilang tanga.

Kaya napapa tanong din ako, ano ang napatunayan mo dun? Na willing ka magpa upak para lang na tanggapin ka sa kapatiran mo? Para saan? Para sa mga pribilehiyo na natatanggap bilang isang ganap na brad? Malamang hinding hindi ko talaga malalaman. Ah basta, para sa akin, mas madali mabuhay ng walang hinahabol na kapangyarihan o impluwensya. Kung ano man ang pangarap ko sa buhay, mas gusto ko yun makamit gamit ang aking sariling kakayahan, hindi dahil may mga kaibigan ako sa mga matataas na lugar. Hindi ako tutol sa tulungan at kapatiran, ako ay tutol sa gamitan at power tripping.

Kailangan madami kang tsiks. Hindi ako hyprokrito. Kung mayroong iisang bagay na nakakapag pasaya sa buhay ng lalaki, ito ay ang mga magagandang dilag. Gets ko na masaya sila kasama. Masaya makipag harutan sa kanila. At kung swerte ka, masaya silang kasama sa kama. At wala namang masama dun. Tao lang, ika nga. O lalaki lang, kung yun ang palusot mo.

Inuulit ko, hindi yun masama kung game din naman si sweetheart. Ang hindi ko maintindihan ay bakit kahit may ka relasyon ka na, o di kaya may asawa na, ay kung bakit hindi pa din nawawala yung kagustuhan na lumabas at magpaka James Bond. Para saan? Para ba ito ipagyabang sa mga katropa mo? Marahil oo, bahagya. 

Ito, kaya mo ba ipagyabang na naka date mo?

Ang lalaking madaming chicks ay astig. Ang babaeng madaming boys ay pokpok. Hindi patas di ba? Kalokohan para sa akin sabihin na mahal mo ang isang tao kung hindi mo kayang maging tapat sa kanila. Marahil oo, mahal mo mga, pero mukhang hindi sapat ang pagmamahal mo sa kanya para tiisin ang hirap ng pagiging monogamous. Love is sacrifice ika nga. Pero wala nga naman akong alam diyan, bilang isang tao na hindi pa nagkaka gelpren. At yun ang susunod kong hindi maintindihan. Bakit...

Parang may mali sa iyo pag nalalaman ng mga tao na bente-tres anyos ka na wala pa din nagiging karelasyon.  Hindi ko lagi alam ang isasagot sa mga taong nagtatanog sa akin kung bakit wala pa akong kabiyak ng puso. Putragis, anong gusto niyong isagot ko diyan?! Hindi yan tanong na nasasagot lang ng basta-basta, tulad nang, "anong kinain mo kanina?" at "bakit ka late?" Lalo na kung ikaw mismo ay hindi din alam ang dahilan. 

Hindi ako papayag maging ganito. HINDI.

Pinipili kong maniwala na wala naman akong kasuklam suklam na katangian. Kung mayroon man, siguro hindi yun ang dahilan sa pagiging single ko, dahil andami kong kilala na mas kasuklam suklam sa akin, pero may mga nobyo't nobya sila. Hindi nga lang sila nagtatagal. (Buti nga sa inyo, mga hayup kayo!) Pero at least, naranasan nilang ma in-love, ayon sa corning kung-sino-man-siya. Hmph. 

Mamayang gabi na nga lang ako iiyak habang kumakain ng ice cream sa tapat ng telebisyon... At ang tanging konswelo ko lang ay, at least hindi ako pumatol dun sa mukhang paa na yun para lang masabihang may girlfriend! (pero mahilig talaga ako sa paa. Seryoso ako dito.)

Kailangan galit ka sa mga bakla.

Galing ako sa pribadong eskwelahan na ekslusibo sa mga lalake. At siyempre, madami akong kaklaseng bakla dun. Kung mayroong mga parating napapag tripan sa isang iskwelahang panlalaki bukod sa mga weirdo, ito ay mga bakla. Pero bakit? Ano ba ang ginawa nila sa iyo? Kung hindi ka naman nila binastos, wala naman sigurong  dahilan para kamuhian sila diba? 

Pero aaminin ko, minsan naasar ako sa kanila ng walang maayos na dahilan. Siguro dala na yon ng kultura na naitanim sa akin nung bata palang ako, na kapag may napakalanding bading sa paligid, obligado kang barahin siya upang manahimik. Pero hindi na yun katanggap tanggap ngayon, at mas importante pa kaysa sa political correctness ang basic respect para sa iyong kapwa. Kung bakla ka, walang problema sa akin. Basta wag na wag mo akong pagtatangkaan ng masama. Masasapak kita. Sa gums.


Pero mahirap na pumalag pag mas macho pa dito yung gusto bumanat sa iyo.
 
At ang pinakahindi ko maintindihan sa mundo ng kamachohan, bakit...

Kailangan mas malaki ang kinikita mo kaysa sa misis mo.
Nagiging away madalas ng mga mag-asawa ang pera. Hindi nakakagulat yun, mahirap ang buhay. Ngayon, ang hindi ko maintindihan ay kung bakit nagiging malaking isyu kapag mas malaki ang nauuwing pera ni misis. Bakit? Mababawasan ba ang pagkakalalaki mo kung mas matagumpay sa trabaho si honey pie? Automatic ba na kapag ganun ang sitwasyon ay under de saya ka na, at binigo mo na ang samabayanang macho sa iyong barkada?

Sa tradisyunal na pamilya (at kahit nung mga panahon pa ng mga taong Tabon) ay inaasahan natin na ang lalaki ang bahala sa lahat ng mga pangangailangan. Pero dahil sa kinalabasan ng ating lipunan, hindi na sapat na si mister lamang ang magtrabaho. Ito ay isang katotohanan na kailangan na lang natin tanggapin. Kung mas malaki nga ang kinikita ni misis, hindi niya kasalanan yun. Kasalanan mo lang na may problema ka dun.

Isipin mo na lang, ikaw na yung ililibre niya! Paano naging problema yun?

At yun ang ilan sa mga hindi ko maintindihan na bagay sa mundo ng kamachohan. Ang pag sulat ko sa kanila ay hindi gawain na inaasahan para sa mga tulad ko, ngunit wala akong pakialam. At yun para sa akin ang pagiging tunay na lalake. Ang pagkakaroon ng sariling opinyon at kawalan ng takot o kahihiyan para sabihin ang kanyang mga naiisip at nararamdaman. 

Kung macho man sa tingin ng nakararami o hinde, ay hindi importante sa akin. Iniwan ko na ang ganung pag iisip hindi lamang nung sinimulan ko itong blog post na ito, kundi nung pag alis ko sa high school. At dapat ikaw din, pero ayokong mag dikta.

Kaya paalam na, manunuod pa ako ng aking paboritong drama na pang macho.


Pansin ko lang, bakit ba lagi na lang naka high waist na palda si Rachel?

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...